Hinikayat ng Department of the Interior and Local Government (DILG) ang 350 pamahalaang lokal na ginawaran ng 2022 Seal of Good Local Governance (SGLG) Award na gamitin ang kanilang incentive fund subsidy sa mga “high-impact” na proyekto sa kanilang lokalidad.

Ayon kay DILG Secretary Benjamin ‘Benhur’ Abalos, Jr., ang 18 lalawigan, 60 lungsod 272 munisipalidad ay may pagkakataong magamit ang kanilang natanggap na incentive fund dahil sa pagkapanalo sa SGLG 2022 para sa mga proyektong malaki ang maitutulong sa kanilang mga nasasakupan.

We urge you to use this fund to affect positive change through high impact projects within your jurisdiction.  Gamitin n’yo ang pondong ito para mas mapagbuti pa ang paghahatid ng serbisyo sa ating mga kababayan at gawing maunlad ang inyong mga lugar,” dagdag pa niya.

Ang SGLG incentive fund ay itinatatag sa pamamagitan ng Republic Act 11292 o SGLG Act of 2019 na naglalayong pagtugmain ang mga hakbangin ng lokal na pamahalaan sa pambansang adyenda sa pag-unlad.

Pinaalalahanan ni Abalos ang mga LGU sa pamamagitan ng DILG Memorandum Circular No. 2023-019 na maaari lamang gamitin ang SGLG incentive fund sa mga proyektong sumusuporta sa mga sumusunod: good fiscal administration; disaster preparedness; social protection and sensitivity program; health; education; peace and order and public safety; at business friendliness and competitiveness.

Dagdag pa niya na ipinagbabawal ang paggamit ng nasabing pondo para sa mga proyekto sa pagsasanay, pagpopondo ng micro credits at loans, administrative at travelling expenses, pagbili ng administrative office equipment, lote, at pagbili, pagpapanatili o pagkumpuni ng motor vehicle na hindi ginagamit para sa gawain ng SGLG.

Maaari nilang magamit ang pondong ito para sa buong taon ngunit kinakailangan na bago at buo at walang kapareho sa ibang ahensiya ang proyektong paglalaanan nito. Lahat ng proyekto ay dapat makumpleto at ma-liquidate sa loob ng 12 buwan matapos matanggap ang Notice to Implement mula sa DILG Regional Office,” ani Abalos.

Pinaalalahanan niya rin ang mga LGU na sumunod sa probisyon ng pagbabawal ng paglalagay ng pangalan, larawan, pagkakahawig ng opisyal sa mga proyekto ng gobyerno.

Huwag po nating samantalahin ang mga proyekto ng gobyerno at gamitin ito para sa pansariling kapakinabangan. Tayo ay nagsisilbi para sa taumbayan at hindi nila utang na loob na magbigay tayo ng magagandang proyekto at serbisyo dahil ito ay ating trabaho,” sabi ni Abalos.

Sinabi ni Abalos na kung hindi kaya ng LGU na magamit ang pondo bago matapos ang taong 2023 o ‘di kaya ay nabigong simulan ang pagpapatupad ng proyekto sa loob ng siyam na buwan matapos makatanggap ng Notice to Implement ay ibabalik ang nasabing pera sa National Treasury.###