Dapat tiyakin na ang mga lokal na programa at proyektong pinaglalaanan ng pondo ay tunay na tumutugon sa kasalukuyang sitwasyon at pangangailangan ng mga komunidad kung saan ito ipatutupad.

Kaugnay nito ay pinangunahan ni Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Benhur Abalos, kasama ang iba pang ahensya ng pamahalaan, ang paglagda sa joint memorandum circular ukol sa pagsasaayos ng pangangasiwa ng pondo sa mga pamahalaang lokal.

“Magtutulungan ang mga ahensya ng pamahalaan para magsagawa ng mga pagsasanay para sa mga local government units (LGUs) at patuloy silang gagabayan para sa maayos na pamamahala ng pondo sa kanilang mga lokalidad,” aniya.

Kasama ni Abalos ang iba pang Kalihim ng mga miyembrong ahensya ng Public Financial Management (PFM) Oversight Agencies, kabilang ang National Economic and Development Authority (NEDA); Department of Budget and Management (DBM); Department of Finance (DOF); at Department of Human Settlements and Urban Development (DHSUD), at iba pa.

Binigyang-diin ni Abalos na ang joint circular ay naglalayong palakasin ang paggamit ng evidence-based approach sa paghahatid ng serbisyo ng mga LGU.

Aniya ito ay binalangkas upang pagsamahin at itugma ang mga polisiya, implementing guidelines, tools at mga programa at proyekto ng DILG, DHSUD, NEDA, DBM, at DOF tungkol sa PFM na mayroong magkakaugnay concern na may kinalaman sa lokal na pamamahala.

“Effective public financial management is the backbone of our governance framework and vehicle in driving inclusive growth and sustainable development in the country,” dagdag pa niya.

Sinabi pa ni Abalos na ito ang dahilan kung bakit ang sound fiscal management, kasama ang pagpapabuti ng tax regime, ay nakapaloob bilang isa sa mga layunin ng Philippine Development Plan (PDP) 2023-2028.

Idinagdag niya na ang DILG ay nagpapatupad ng mga inisyatiba upang itaguyod ang pagsasagawa ng fiscal discipline at sustainability, at transparency at accountability sa paggamit ng pampublikong pondo sa antas ng lokal na pamahalaan.

Kabilang aniya sa assessment areas ng Seal of Good Local Governance ng DILG ang LGU Financial Administration and Sustainability upang itaguyod ang kultura ng mabuting pamamahala sa mga LGU sa gitna ng mga hamon na kinakaharap nila. ###